Tuesday, August 12, 2008

DIARRHEA

Minsan ay napag-usapan namin sa opisina ang tunkol sa mga biik sa probinsya ng Bulacan na nagkaroon ng diarrhea na inireport sa balita ng isang gabi. Sabihin niyo ng tanga ako pero ang akala ko talaga dati ay eksklusibong sakit ng mga tao ang diarrhea. Yung tipong mga batang nakainom lang ng tubig sa kanal o di kaya isang matakaw na bata na lumaklak ng bagoong na napagkamalan niyang corned beef lang ang nagkakaroon ng diarrhea. Akala ko lang yun.


Hndi ko napanood ang naturang news report tunkol sa mga biik ngunit talagang namangha ako sa mga biik na nagkakaroon ng diarrhea. Hindi ko lang talaga alam kung bakit. Siguro sadyang sira ulo lang talaga ako o di kaya, dahil may kalusugan din naman talaga ako, ay nakaramdam ako ng kakaibang "lukso ng dugo."


Naisip ko tuloy kung ano ang pinakamabisang gamot para sa mga nagtataeng biik at iba pang hayop, Polymagma kaya o Immodium? (Pronounced as po-li-meg-ma at ee-mow-dae-yoom para "isleng"). Siguro mas maganda ang ang Diatabs (pronounced as ja-tabs).


Tinanong ko sa kaopisina kong nakapanood ng naturang report, kung ano ang naging hitsura ng mga nadehydrate na biik. Sabay sagot ng kaibigan ko na parang natuyot, tumanda at nalugi daw ang hitsura nila. Maari daw siguro sila bigyan ng Olay "to fight the seven signs of aging. Tapos ipa-make over na lang natin sila kay Mama Ricky Reyes.


Ikaw, ano sa palagay mo?

Sunday, May 25, 2008

THREESOME

Nasubukan nyo na ba mag threesome? Ako gustuhin ko man di ko rin pala kaya. 


Teka lang, malamang iba na naman ang iniisip nyo. Magpapaliwanag po ako.


Isang araw habang pauwi ako kasama ang ilang kaibigan ay nagkaroon kami ng matinding decision making problem. Ito ay ang mamili kung anong bus ang sasakyan namin. May daliang paparating na dalawang bus na kailangan namin pagpilian agad agad. Kinakailangan namin mamili kung gusto ba namin sumakay sa luma, kakarag-karag, mukhang iniipis na airconditioned na bus o ang isang medyo bagong bus na ordinary na bus na magpapausok sayo na parang pinapatapang na tandang.


Shempre dun kami sa obvious. Dun kami sa airconditioned na bus na konti na lang ay guguho na.


Sa mga nagbabasa nito na naranasan ng magcommute, alam ninyo na may dalawang helera ng upuan. Ang hilera sa kanan ay pang dalawang tao na kasing payat lang dapat ni Palito at ang hilera sa kaliwa ay para sa tatlong taong kasing laki lamang nina Bangkay, Palito at Mary Walter na pinagsama sama.


Shempre umupo ako dun ulit sa obvious. Umupo ako katabi ang isa sa mga kaibigan ko sa hilerang "pang-tatlong tao."


Ang ending, meron pa naman konting espasyo para sa isa pang tao. Isang taong kasing laki ni Mahal noong mga 12 years old pa lang siya at di pa niya nakikilala si Jimboy.


Mga ilang kanto pagkatapos namin magbayad sa kunduktor na mistulang dilat na dilat ang mata at lubog na lubog ang pisngi na medyo may konting sapak yata ay biglang nagpasakay siya ng marami-raming pasahero.


Ewan ko kung bakit niya pinagpipilitang maluwag pa ang bus samantalang para na itong pantalon na isang kembot lang ay mawawakwak na. 


Nang mga panahong iyon ay sumusigaw na ang damdamin ko ng "Saklolo!" "Saklola!" at "Gujab Manong, Ikaw ang epitomiya ng kagaguhan ng Pilipino!"


Shempre hindi ko na rin kailangan sabihin na wala ng normal na nilalang na nakaupo sa tabi namin sa "pang-tatluhang" upuan. Bukod sa medyo maliit nga yung upuuan ay talaga naman napakataba ko.


Nang magsipasukan na ang mga taong nauto ng pulpol na kunduktor, pinipilit naman niyang paupuin ang isa pang lalake sa tabi namin.


GUJAB ULIT MANONG! !@#$!@^&*!@$!


Nang minulat ni Lord ang mga mata niya sa katotohanan na wala ng ngang makasasakay na normal na tao bukod kay Mahal noong 12 years old pa lang siya ay bigla siyang humirit sa akin ng:


"Umusog ka kung hinde sisingilin kita ng dalawa!!!!"


Nagpintig ang tenga ko.


Bumilis ang tibok ng puso.


Tumaas ang presyon ng dugo.


At napabulatlat ng:


"EH KAPAG TUMAYO BA AKO LIBRE NA AKO?"


Hindi pa diyan nagtatapos....


"KUNG GUSTO MO BIBIGYAN KITA NG PANG-DAANG TAO, PABABAIN MO SILANG LAHAT! KALA MO WALA AKONG PERA???"


Walang nagawa ang kumag kung hindi tumalikod at umalis.


Nang dumating na ako sa bababaan ko ay ginawa ko ang obvious. Bumaba ako sabay tinitigan ng matalim ang kumag na kunduktor. Pagkababa ko at pagkalipat ng sasakyan, dinukot ko ang pitaka ko para kumuha ng pamasahe at natuklasan ko ang katotohanan na singkwenta pesos lang pala ang laman ng pitaka ko.


Muli, napasigaw ako sa isipan ko: GUJAB! 

Monday, May 19, 2008

PALIBHASA BABAE

Matagal-tagal na pala akong walang naipapaskil sa walang kakwenta-kwentang blog na ito. Siguro may panahon din pala na nauubusan din ng katarantaduhan ang gaya ko. Serious naman kasi talaga ako. Pag nakita mo ako, mukhang serious talaga. 


Pero tama na ang kasinungalingan na iyan.


Nais ko ibahagi sa kung sino mang walang mgawa sa buhay na nagbabasa nito ang isang personal narrative na isinulat ng isang mabuti kong kaibigan noong nasa kolehiyo pa ako. Isa siyang nakatutuwang babae na punong puno ng kabalbalan sa buhay. Marahil kaya kami magkaibigan ay dahil sa bagay na iyon. Pina-check niya sa akin kasi di daw siya sanay magsulat sa Pilipino. Marahil sa lokal na dialekto ng mga Cambodian siya sanay...


Tama na ulit...


Eto na talaga..

-------------------------------------


Palibhasa Babae

By ADL


Si lalake at si babae ay nagkita, na-in-love, naging sila, and they lived happily ever after; Napakabilis sa mga kwento makahanap ng tamang lalake. Humiga ka lang at maghintay, darating ang tamang lalake (sabay kiss). Ngayon, hindi na uubra iyan. Lalong lalo na sa akin.


Sabi sa akin ng aking mga kaibigan, maghintay lang daw ako at darating din ang aking Prince Charming. Dahil kung ako rin daw ay maghahanap, baka hindi kami magkita. Parang kapag si Sleeping Beauty ay gumising at lumabas ng tore niya para hanapin ang prinsipe bago siya mahanap nito. Kaya dapat daw talagang maghintay lamang ako. Pero ang tanong ko naman sa kanila, ‘paano na kung hindi naman niya ako hinahanap’? Ayokong mabulok nang kahihintay. 


Tsinoy ako. Seventy five percent Chinese, at twenty five percent Pinay. Sa kultura namin, kailangang Tsinoy rin ang makatuluyan ko. Hindi pwedeng hindi. Tinanong ko dati ang magulang ko kung pwede kong ipa-blood transfusion ang mapipili kong lalake kung hindi siya Tsinoy o Chinese na tulad ko. Hindi raw pwede at pilosopo raw ako. Kaya binilang ko ang aking target market. Base sa kaibigan ko, mga three percent lang ang Tsinoy sa Pilipinas. 


84 million ang populasyon ng buong bansa, 13% nito ang populasyon ng Metro Manila, 6% lang nito ang nasa A and B na economic class, 50.4% lang ang lalake, 18% lang dito ang may edad na 20 hanggang 29 years old, at mga 3% lang ang Tsinoy. Ibig sabihin, 1783 lang ang pwede kong pagpilian na lalake. Ipagpalagay natin na 20% sa kanila ay bakla, maiiwanan nalang ako ng 1426 na pagpipilian. Sa bilang na iyan, babawasan ko pa ng kalahati dahil taken na sila, kaya 713 nalang ang maiiwan para sa akin. Hindi pa diyan nagtatapos ang bilang, dahil hindi ibig sabihin na lahat sa kanila ay may itsura, matino, matalino at kung anu-ano pa. Kaya ipagpalagay natin na ang sumasakto sa gusto ko ay 35% lang ng buong bilang; 250 nalang ang maiiwang pagpipilian ko.  Maliit ang numerong iyan. Dahil sa bawat isang lalake, may tatlong babaeng nakaabang. Ibig sabihin, kung hihintayin ko ang Prince Charming ko, baka maunahan ako ng 749 na babae sa Metro Manila. 


Matagal ko nang kinwenta ang numerong iyan, at dahil dito hindi ko sinayang ang limang taon ko sa kolehiyo. Sa bilang na 250, malamang 20% dito ay nakilala ko na o kaya’y nakasama nang lumabas, naging boyfriend, at nasabing hindi kami talo. Two hundred more to go. 


Ang paghahanap ay mahirap; katulad ito ng paghahanap ng wallet mo kapag nahulog ito sa stampede ng WOWOWEE. Lalong mahirap naman ang mahanap ito at wala kang magawa kundi maghintay para matapos ang stampede para makuha ito (kung hindi pa ito nadampot ng iba). Ito’y tulad ng pagiging babae sa Pilipinas. Makahanap ka man ng lalaking gusto mo, wala kang magagawa kundi hintayin siyang manligaw sayo. Hindi uso ang babae ang nanliligaw, baka matakot pa ang lalake, akalaing agresibo ka masyado. 


Pero hindi ko na rin sinunod ang pag-iisip na iyan. Masasabi kong nanligaw na ako. Hindi lang nga halata. Nakapagtapat na rin ako sa lalake bago pa niya naramdaman na gusto niya rin ako. Iba sa kanila ay ex-boyfriend ko na ngayon. Sayang ang oras kahihintay. Bumababa raw ang market value kapag nagkakaedad na ang babae. Palibhasa babae ako, problema ko ito.


Marami na akong nakasama lumalabas. Iba’t ibang tangkad, hugis, kulay, itsura, kapal ng bulsa, ugali, utak, hilig, edad, at propesyon. Mahirap pumili dahil pinipili ka rin nila. Dahil hindi rin lahat ng gusto mo ay gusto ka rin. Kaya sa dalawang daan na natitira, malamang ang probability ko na magustuhan ako ay 50-50 chance. Kaya sa katotohanan, isang daan nalang ang naiiwan sa akin.  At sa oras na ibinubuhos ko sa pagsusulat nito, malamang may ibang mga babae na ang nauna sa akin sa mga kalahati ng naiwan. Kaya singkwenta! Singkwenta nalang ang pwede ko pang pagpilian! 


At sa singkwentang iyan, kapag nagkataon na makalabas ko sila, malamang may mga iba sa kanila ang hindi inaasahang sasablay tulad ng mga dati ko. Sabi nga ng nakararami, hindi mo makikilala ang totoong ugali ng isang lalaki hangga’t hindi mo pa nakikilala o nakakasama nang matagal. Sige sang-ayon na ako rito. Dahil marami sa mga dati kong inakalang matino, ay gago rin pala. 


Sa bilang na iyan, malamang may ibang hindi marunong kung paano maging gentleman tulad ng isang lalaking nakilala ko sa Friendster. Pagkatapos akong paghintayin ng trenta minuto sa Starbucks, mas ginusto pa nitong kalikutin ang cellphone niya kaysa kausapin ako (sampung minuto lang kami nag-usap). Ang iba malamang ipagpapalit ako sa hilig niya, tulad ng isang pilotong ex-boyfriend ko na lagi akong iniindian para sa eroplano. Valentine’s day hindi kami natuloy lumabas dahil sa meeting niya tungkol sa eroplano kaya nanuod nalang ako ng “The Aviator” sa DVD. May isa namang computer programmer na naengganyo magprogram kaya hindi kami natuloy sa date namin. May mga iba sa kanila magiging sobrang ok na date, pero halos hindi mo naman mahagilap dahil sa dami ng trabaho at inaasikaso nila. Tulad iyan ng isang lalaking nakilala ko na nagsabing “let’s hang out again soon” at pagkalipas ng isang buwan ay hindi pa rin dumarating ang ‘soon’ niya. Baka iba na ang ibig sabihin ng ‘soon’ sa lalake. Katulad din ng isang mabata-batang pulitiko na nakalimutan na ako sa dami ng isyu na inaasikaso sa gobyerno (Gloria kasi eh…). At hindi mawawala ang babaerong lalake, tulad ng dalawang naging ex ko. Tiyak na mayroon sa mga makikilala ko ang mahilig mangolekta ng babae; para bang collect all designs. 


Saan nga ba nagtatago ang lalaking hinahanap ko? Siguro konting tiis nalang ay mahahanap ko na rin siya. Tutal singkwenta nalang naman ang naiiwan.   

Monday, April 28, 2008

BAGETS 1984

Astig! Nakita ko lang ang larawan na ito isang hapon na bagot na bagot na ako sa aking buhay... Binigyan nito ako ng panibagong pananaw sa buhay at malaking pagpapasalamat sa Maykapal para sa pag unlad ng fashion sa mga nakalipas na taon...


Makikita dito ang ultra hyper super megatronic pekpek shorts...








Wednesday, April 16, 2008

MGA NAKABABAGABAG NA TANONG NG BUHAY

Isang hapon kung kailan nagsabay sabay ang katamaran ko at ng mga kaibigan ko sa opisina, naisip namin magkaroon ng maliit na balitaktakan na punong puno ng kabuluhan at kakaibang insight. Inipon ko ang aming mga napag-usapan para ibahagi sa sino mang magtitiyagang magbasa nito. Ang sumusunod ay mga katanungang maaaring makatulong sa paghahanap ninyo sa "meaning of life." 


1) Ang bakla ba, kapag nagkagusto sa babae, nagiging tibo?


2) Ang tibo ba, kapag nagkagusto sa lalake, nagiging bakla?


3) Bakit pantalon ang tawag sa pantalon, samantalang pwede rin naman itong ipang lakd at kandirit?


4) Ang lason ba, kapag nag-expire, nakakalason pa rin?


5) Bakit "basahan" pa rin ang tawag sa "basahan" kahit tuyo ito? Bakit hindi "tuyohan"?


6) Tumitibok din kaya ang puso ng saging? Na-iinlab din kaya ito?


7) Nauuhaw din kaya ang isda?


8) Ang "fly" ba, kapag inalisan mo ng pakpak, nagiging "walk" na lang?


9) Yung moose ba ay nagpakalalaking mouse?


10) Bakit yung choco mud pie, may choco at pie pero walang mud?


11) Ang "batman" ba ay short for "bakit man?"


12) Pinagpapawisan din ba ang nagsiswimming?


13) Ang ngipin ba pinapasma din? Nagtutoothbrush kasi pagkatapos kumain...


14) Kung ang past tense ng "laba" ay "naglaba," ang present tense ay "naglalaba," sa palagay nyo ba ang tamang future tense eh "magsasampay?"


15) Ang uod ba pag namatay inuuod din?


16) Kung isa lang ang "shoes" ay nagiging "shoe" lang ito, bakit ang "sapatos" hindi nagiging "sapato" kapag nag-iisa ito?


ISIPING MABUTI ANG KASAGUTAN AT ISULAT SA 1/4 SHEET NA YELO PAD AT PAGMUNI-MUNIHAN.

Wednesday, April 2, 2008

MAKA-ANGAL LANG....

Araw-araw, maaga akong naliligo upang maghanda sa pagpasok ko sa opisina. Mga alas sinko pa lang ng madaling araw ay umaalis na ako ng aming bahay para pumasok. Mula lunes hanggang biyernes ay ganito na ang nakagawian ko.


Isang araw habang nagkakape ako ay nakitang kong naghahanda na rin ang magulang ko ng kanilang mga sarili sa pag-alis. Bibiyahe pala sila pauwi sa probinsya nung araw na iyon. Natuwa naman ako dahil naisip ko na makakasabay ako sa sasakyan nila sa pag pasok ko sa opisina. Makakatipid na rin ako at medyo mas maginhawa pa ang pagpasok ko. Agad kong naisip kung magkano ang matitipid ko sa araw na iyon. Singkwenta pesos. Mapapalapit na ako ng singkwenta pesos para makabili ng pangarap kong ball point pen na umiilaw habang nagsusulat. Naisip ko rin na di ko kelangan sumiksik ng araw na yun sa bus at magmiistulang blood clot sa gitna ng bus kung wala na akong mauupuan.


At WALAH!


Pagkatapos ko maligo bago pa man ako natapos makapagbihis nalaman ko na lang na umalis na pala sila. Wow! Thank you ha? 


Talaga naman... Ang swerte swerte ko. Naisip ko, pera na... naging bato pa...


Biglang gumuho ang imahe ng umiilaw na ball point pen sa aking isipan...


Agad pumasok ang imahe ng pagiging blood clot ko sa gitna ng masikip na bus at paghahalo ng amoy ng mga pasahero ng bus. Badtrip talaga....


Pero as usual di bale na... Makikipaghalo na lang ako ng amoy sa mga lalaking nagbubuhat ng hollow blocks sa buong araw... Ang swerte ko talaga... Mahal na mahal talaga ako ng mga magulang ko noh? 


Kaya....


Gaya ng dati... 


OK na rin... mataba naman ako....


Wednesday, March 19, 2008

ANG BUS NA TUMUTUPAD NG MGA PANGARAP

Babala: ang mga sumusunod ay opinyon ko lamang ayon sa aking karanasan. Kung may nagbabasang fans ng UNTV37 at ni Kuya Daniel Razon pasenciahan na lang tayo...

----------------------------


May isang araw habang pauwi kami ng kaibigan ko mula sa mahabang araw ng trabaho ay may nakita kaming kakaibang bus na bumibiyahe sa EDSA-Ayala. Nasabi kong kakaiba ito hindi dahil may buhay ito at nakakapagsalita kundi dahil sa malaking nakapaskil sa gilid nito...


LIBRENG SAKAY! HANDOG NG UNTV37 (isang istasyon sa telebisyon na may sampung manonood lamang) AT NI KUYA DANIEL!


Wow! Hulog ito ng langit! (Teka lang... di yata pwede yun... mawawasak yung bus... waaah corny!!) 


Kaya sa madaling salita sinubukan namin sumakay. AT VAVAVOOM! Libre nga! Kaya lang bukod sa inakala namin na sindikato sila ay may ilang "catch"  ang lintik na libreng sakay, at ito ang ilan sa mga iyon:


1) makikinig ka sa isang lalaking nagsasalita sa micropono na paulit ulit na sasabihin na libre daw ang sakay at wala kang aalalahaning pamasahe at pinagpupunyagi ang mga nakasakay dahil sa kabaitan nila at kadakilaan. AMEN!


2) titigil panandalian ang bus para "mag-report" sa telebisyon sa kalagayan ng trapiko. Gagawin ito habang ang mga pasahero ay parang sardinas na nagsisiksikan sa loob ng bus. Hindi lang siksikan na basta-basta, kundi yung tipong nakadikit na ang kili-kili ng katabi mo sa mukha mo habang may mukha ng ibang tao na nakasubsob sa tumbong mo. Sa palagay ko ay sinasadya nila ito para mag-mukhang tagumpay na tagumpay ang pagkakawang gawa nila sa mga namamasaheng mamamayan. Masamang masama ang loob ko dahil sa malaking tao ako at namimistulang blood clot sa bus dahil sa pagharang ko sa gitna ng bus sa mga taong bababa at sasakay. Kung may buhay ang bus na-stroke na ito dahil sa pagbara ko sa daloy ng dugo nito. 


at ang pinakamalupet na "catch" ay:


3) habang nagrereport ang mga ungas sa mga kasamahan nila sa telebisyon ay kelangan kayo i-video na sianasabi ang katagang: "MAGANDANG GABI! SALAMAT SA LIBRENG SAKAY! SALAMAT SA INYONG PAG-AGAPAY!" sabay palakpak ng nasa taas ang kamay ng tulad ng pagpalakpak ng audience sa Eat Bulaga o Wowowee.

----------------


Matapos ang mala-impyernong libreng sakay sa bus ng mga pangarap, may matinding realisasyon akong natamo... 


1) Walang tunay na libre sa mundo. Nag-nais akong makatipid ng sampung pisong pamasahe at ang naging kapalit ay ang pagmumukhang gago sa loob ng bente minutos at pag-langhap ng masaganang amoy ng pakikibaka ng manggagawang Pilipino. 

2) HINDI KO NA IYON UULITIN! Hihithit na lang ako ng katol kung gusto mo...

-----------------


LARAWAN NG BUS NA TUMUTUPAD NG MGA PANGARAP

Wednesday, March 12, 2008

BANG BUS

Narinig nyo na ba ang salitang "bang bus?" Ano ang pagkakaunawa nyo sa salitang ito? Malamang sa alamang, magkaiba tayo ng binibigay na kahulugan sa salitang ito.


Naaalala nyo pa ba yung mga kuliglig na bus? Yung mga kakarag-karag na maliit na bus na walang aircon? Minsan na akong nabundol ng punyetang bus na yan. 


Nasa kolehiyo pa ako noon. Papasok pa lang ako sa unang klase ko sa araw na iyon. Dala-dala ang aking asul na file case na nilalagyan ko ng pinitpit na tuna sandwich, isang pakete ng Lucky Strike Menthol, ballpen, mga sampung piraso ng yellow pad, at kodigo para sa pagsusulit ko sa darating na hapon, tumatawid ako ng Taft Avenue ng biglang -- BANG!


O marahil mas magandang sound effect ang KABLAAM!


O di kaya KAPOW! (Yung mga sound effects sa lumang Batman na pinagbibidahan ni Adam West)


Isang bus ang humampas sa akin na siyang nagpatilapon sa akin papunta sa gitnang island. Nayanig ang mundo ko. Naalog ang utak ko. Naalog ang kakarampot na laman nito. Nalamog ang laman ng tiyan ko at naalog din ang mga taba at bilbil ko sa katawan ko. Marahil ito ang tunay na kahulugan ng Bang Bus at hindi ang malamang iniisip ng marami sa inyo. 


At parang basurang tumilapon lang sa kalye,ni walang nag-atubiling tumulong sa akin. Ni walang nag-alok na tulungan akong bumangon o di kaya pulutin ang gamit ko o dalhin ako sa ospital. May mga ilang tumingin ngunit tumuloy pa rin sa paglalakad.


Ilang segundo rin akong parang gago na nakahiga sa kalsada. Nakikita kong nakadungaw ang drayber ng bus at tila may sinasabi. Nakikita kong bumubuka ang bibig nya pero wala akong naririnig. Minura ko siya ngunit wala rin akong narinig na sinabi ko ng mga panahon na iyon. Nang medyo mahimasmasan na ako minura ko lang ulit si mamang drayber, pinulot ang filecase ko, pinagpag ang pantalon ko at parang gagong pumasok pa ako sa klase ko. Parang walang nangyari. Siguro dahil sa bagay na ito, gago nga ako.


Pag-uwi ko hindi ko kagad sinabi ang nangyari nang umagang yon sa ibang tao maliban sa kapatid ko. Pagkatapos ko ikuwento ang pangyayari sa kapatid ko, ang unang tanong nya ay, "may sira ba yung harap nung bus?"


Naknangtokwa!  Mas inalala pa yung bus kesa sa kapatid nya.


Noong araw din na yun, sinabi din ng kapatid ko ang nangyari sa mga magulang namin. At gaya ng inaasahan, pinagalitan pa ako kasi di daw ako tumitingin. Ewan ko ba. Mas inaalala pa yata kasi baka maningil ng danyos yung operator ng bus kasi baka nabasag yung signal light nya.


Hellooooo? Nabundol ako ng bus? Masakit kaya? Wala bang magbabalak sa inyo na ipa-x-ray man lang ako kasi baka may hemorrhage? WOOOHOOO!


Ok lang daw ako... Tutal, mataba naman ako...


Ang pinakamasaklap na bagay ay nangyari mga dalawang linggo pagkatapos ng insidente ng "bang bus." Nagkita-kita kami ng mga kaibigan ko noong high school at may biglang nagtanong na, "pare, nabundol ka daw ng bus???" 


Teka lang. Wala pa naman akong sinabihan sa kanila na nabundol ako ng bus tapos alam na ng ilan sa kanila? Ibig sabihin, may nakaranas sa nangyari na kakilala ko ngunit walang effort man lang na tulungan ako. Wow! Ang saya ko. Para akong nanalo sa Hope and Winston Superstake! 


Sa ikalawang pagkakataon...


Ok lang daw ako... Tutal, mataba naman ako...


Friday, March 7, 2008

MGA MAHAHALAGANG GABAY SA BUHAY

Words to ponder # 1:


"Hindi ako baboy, mataba lang ako."


Iyan ang madalas kong sabihin sa mga kaopisina ko kapag may nakikita silang nakakadiri o di kaya masagwang bagay at magrereact sa pamamagitan ng pagsabi ng, "yuck! ang baboy naman!"


Words to ponder # 2:


"Hindi porke't mataba ako ay manhid na ako na parang may balat ng kalabaw"


Iyan naman ang madalas kong banggitin kapag may naggigigil sa akin at kinukurot ako dahil ang kyut kyut ko daw kasi mataba ako. Paminsan ay pinipisil nila ang aking pisngi o di kaya hahawakan ako ng mahigpit na parang vice-grip na ang dating o di kaya ay mangangagat, at ang pinaka-ayaw ko sa lahat ay ang mga nanghahampas ng malakas. Kung talagang nakyukyutan sila, pwede naman silang mag-alay ng mga bulaklak o tsokolate na lang dahil nakyukyutan sila sa akin. O di kaya, kahit cash, gift check, alaxan at biogesic gift pack ay tumatanggap ako. Hindi naman ako maselan at pihikang tao.


Words to ponder # 3


"Malayo pa lang ay ituro nyo na ang dadaanan natin. Hindi kalabaw ang sasakyan na kapag sinabi mong WOAH! ay titigil ito."


Madalas kong masabihan nito ang nanay ko. Kapag nagpapamaneho kasi siya sa akin paborito niyang sabihin ang "ay doon pala tayo sa kantong kalalampas lang natin ngayon" o di kaya, "ay dito na pala. Tigil." Ganayan ang nanay ko magbigay ng direksyon. Parang nagaararong kalabaw lang ang tingin nya sa kotse na puwedeng biglang pumara kapag sinabing "woah!

Tuesday, March 4, 2008

MAGANDANG DAHILAN PARA TUMIGIL SA PAG-INOM

MGA ALA-ALANG DULOT NG TESTI

Tinignan ko ang mga pinaka-unang testimonials ko sa friendster account ko at nahalukay ko ito. Isinulat ito ng isang kaibigan ko noong nasa kolehiyo pa ako (itago natin siya sa pangalang Brando). Ilang taon na rin pala ang lumipas simula noong naisulat ito, ngunit hanggang ngayon ay di ko pa rin naiintindihan ang mga nakalagay dito. Kung meron man sa mga nagbabasa nito ngayon ang nakakaunawa paki translate naman para sa akin tapos isulat nyo na lang sa pader ng banyo sa foodcourt ng Landmark Makati.


Gising ako sa ilalim ng madilim na gabi na bumalot sa mapanglaw na huni ng dapithapon. balisa na naman ako. ang dahilan : isang taong nananalangin sa msimong panahonng ito na sana'y mapunan ko naman ang kanyang kawalan. ang aking amigo ay namumukod-tangi sa lahat ng indibidwal na aking nakasalamuha. Hindi dahil sa mukha siyang naglalakad na makopa (at may buhok-buhok pa) at isa't kalahati ang kanyang paa, kundi dahil sa walang-patid-na-palagi siyang malungkot. at dahil nararamdaman ko ang kanyang dasal, nagmadali na naman akong pumunta sa kanyang kinaroroonan kahit pa hindi na mabilang na metro't kilometro ang layo namin. pasasaan ba't doon din ako patungo. at ako'y handa na sa magiging tagpuan nating muli. tayo ay pelikula. ako ang bida. ikaw rin ang bida. hanggang sa muling pakikipagsapalaran natin sa buhay kaibigan. mag-iingat ka. sa susunod na mabundol ka ng bus, baka atrasan ka na at bunduling muli. magkakakahati-hati ang iyong katawa't kalamnan. sasaboy ang dugo sa daan. madudulas ang iba. ang iba'y hihiyaw at sisigaw. at wala kang magawa kundi ang tanggapin ang nangyari. ngunit tandaan mo minsan may isang taong nagasabi sa iyong mag-ingat ka, ako yon! (whew! i-post mo itong testimonial ko ha? ayan ginawan na kita! ako naman!)

Sunday, March 2, 2008

PAUTANG

"Pautang naman. Nagbayad kasi ako ng utang ko sa credit card kaya ubos na ubos na ang pera ko."


Iyan ang tinext sa akin ng aking kapatid. Buti na lang mabait ako at nahabag ang aking damdamin. Kahit na hindi mo makuha ang ideya na umutang ang isang tao para makapagbayad ng isa pang utang ay wala akong magagawa. Nakaramdam ako ng matinding awa na tulad na nararamdaman ko sa biktima ng Hurricane Katrina, Pinatubo Eruption, Vizconde Massacre at kay Archie, ang naging boyfriend ni Madam Auring.


Dahil sa matinding habag at awa sa aking pinakamamahal na kapatid, agad akong nag-withdraw sa ATM ng pera para ipahiram sa kanya. Pag dating ko sa bahay ay inabot ko sa kanya ang pera at isang papel na may computation ng compounded daily interest at pipirmahan nya na sumasang-ayon sya na magiging alipin ko siya ng tatlong buwan kung hindi siya makapagbabayad sa takdang panahon na limang araw. 300 pesos ang inutang niya sa akin.


Pagdating sa pangungutang, magkaibang magkaiba kami ng kapatid ko sa dalawang mahahalagang aspeto. Una, hindi ko ito tinatawag na "utang" kundi "hiram." Kapag may utang kasi may kalakip itong kabayaran o kapalit sa hinaharap, kapag hiniram mo lang pwede mong i-extend ang termino ng paghiram at gawing indefinite ang deadline. Ikalawa, nagabayad siya ng utang dahil wala siyang choice at ako naman ay hindi. Hindi naman sa ayaw  kong magbayad sa kanya kapag ako ang "nanghihiram." Dapat na maunawaan nyo na wala rin akong choice sa bagay na ito. Matindi ang paniniwala ko na isa sa mga dakilang alituntunin o divine task ng nakababatang kapatid ang "manghiram" sa nakatatandang kapatid. 


Kasama rin sa divine task na iyan ang hindi pagbili ng sariling toothpaste, shampoo, conditioner, pulbos atbp. personal na kagamitan ng nakababatang kapatid. Sa halip ay kailangan nya ring "manghiram" sa nakatatandang kapatid dahil wala siyang choice. Medyo masama na nga ang loob ko dahil hindi ko lubusang natutupad ang alituntunin na yan dahil hindi ko hinihiram ang kanyang toothbrush at deodorant.

MGA FANTASERYE / TELEPANTASYA

Natatawa ako sa mga telepantasya na lumalabas sa telibisyon ngayon. Noong una ay may tunkol sa mga taong ibon na kalaban ng taong isda sa kabilang istasyon. Nagkaroon din ng isang fantaserye na tunkol sa magaling na magnananakaw.


Naisip ko lang...


Bakit kaya di nila sinundan yun ng teleserye tunkol sa isnatcher? O di naman kaya sa holdaper, manlalaslas, kidnapper, pusher, bugaw atbp? Para naman magkaroon ng idolo ang mga kababayan nating ang hanapbuhay ay kabilang sa mga nabanggit ko. Tutal, meron namang ER o di kaya House para sa mga doktor, CSI para sa law enforcers tulad ng mga NBI at SOCO agents natin, at Justice League para sa mga abugado at Justice League Unlimited sa mga hukom.

--------------------

Isang scenario:


Doktor: "Gusto kong magaling na diagnostic expert gaya ni Dr. Gregory House"


SOCO Agent: "Ako naman mas gagalingan ko ang pagkilatis ng ebidensya para malutas ang mga krimen. Gaya ni Gil Grissom sa CSI."


Akyat Bahay: "Wow pare! Gagalingan ko na ang pagnanakaw ng bahay ngayon. Napanuod ko si Lupin eh. Anlupet talaga! Parang ginaganahan tuloy akong mag robbery marathon."

--------------------


Eto lang masasabi ko... NYEMAS!

ANTI PETA MOVEMENT

May isang araw na biglang nag-anunsyo ang kasamahan ko na hindi na daw siya kakain ng karne sapagkat kawawa naman daw ang mga hayop na kinakatay para lang gawing pagkain. Nakapag-basa yata siya ng isang libro na may mga kuwento tunkol sa pagmaltrato sa mga kinakatay na baka at baboy at WALAH! Instant animal advocate!!!

 

Pumitik ang tenga ko pagkarinig ng anunsyo nya...


Kawawa ang mga hayop??? Pano naman ako? Ako naman ang magiging kawawa! Kung lahat ng tao ay ganyan ang pag-iisip at mawawalan ng karne sa pamilihan, madaming magkakaroon ng MEMORY GAP! Biruin mo? Bawal ang pork. Bawal ang beef. Ano pa ang kakainin ko? Ang motto ko pa naman ay "if it moves, it must taste good." (Iyan ang ikalawang motto ko sa buhay. Ang una ay No ID, No entry.)


Kung di mo pa napapansin, sasabihin ko na. Oo, ayaw ko sa gulay. Lalo na sa "green leafy vegetables!" Para sa akin, ang dahon ay dahon. Kahit ano pa yan pareparehong lasa ang nakukuha ko sa kanila. Lasang dahon. 


At ang pinakamalupit na napag-isipan ko pagkatapos nya mag anunsyo tungkol sa kasamaan ng pagkain ng karne ay ang PETA. Ang PETA, o People for the Ethical Treatment of Animals, ay isang animal rights advocacy group.Kahit yata daga at ipis, kahit gaano na nila piniperwisyo ang buhay mo sa pamamagitan ng pagkain at pagbutas ng paborito mong Elmo boxer shorts ay di pa rin nila sasaktan. Kung saktan man nila ito at sa di pa malamang kadahilanan ay mapatay nila, malamang ibuburol pa nila ito, sabay maghahandog ng pa-siyam at forty days.


Ayan na nga  ba ang sinasabi ko...


Pano pa yan ngayon? Pupunuin na lang natin ng hayop ang buong kapaligiran natin?


Pero naisip ko na may pag-asa pa. Gagawa ako ng advocacy group  na kakalaban sa PETA. Bubuo ako ng isang grupong advocates ng halaman. Oo, halaman. Kung ang PETA ay advocate ng animal rights, ang samahan ko ay advocate ng mga halaman. Lalo na ang green leafy vegetables. Ipagbabawal namin ang pagkain sa kanila. 


Biruin mo, naaawa sila sa hayop tapos sa halaman hindi? Ika-nga ng kaibigan ko, di ba nila alam na ang kawalan ng halaman sa paligid ang nangungunang dahilan ng global warming? Kung kakainin pa natin ang mga repolyo, sitaw, bataw, patani, malunggay, kalachuchi, gumamela at iba pang halaman mawawalan tayo ng mga gumagawa ng oxygen na siya namang kailiangan natin para mabuhay. Hindi na nga sila nakakagalaw tapos maiisipan pa silang kainin ng mga tao. Kung ikaw ang halaman, ano kaya ang iisipin mo? Para sa akin, ang tanging dahilan para pumitas ng dahon ay kung pipitas ka ng dahon at bulaklak ng gumamela para ihalo sa ginagawa mong bubbles.


Ilang araw ko na rin pinagiisipan ang magiging pangalan ng aking itataguyod na samahan. Ito ang ilan sa mga naisip ko:


1) Koalisyon ng Beteranong Tagapagligtas ng Earth (KOBETA-EARTH)


Kung bakit naisip ko ang naturang pangalan, hindi ko rin alam. Wag na lang natin pagtuunan ng pansin. Marahil may masamang hangin lang akong nalanghap.


2) Men All for Nature's Improvement Advocacy Coalition (MANIAC)


Ganda na sana kahat parang medyo may mali. Pero medyo delikado yata ang pangalan na to. Parang politikal na party na kinabibilangan ng isang dating government official na naconvict bilang child rapist at biglang nabigyan ng presidential pardon. Lam nyo na yun.


*Note: bakit nga ba political party ang tawag sa political party? May keyk kaya sila at mascot? O may mascot na lumalabas sa keyk? (Alam ko corny yun. Haha) Oo nga pala, sa mga nakaisip gumawa ng kumakalat na scandal ni Jollibee at Hetty sa mga cellphone, nakakalungkot naman ang past-time nyo.


3) Join In Now and Give the Earth Love (JINGEL)


Itong pangalan na ito ang nagbigay ng hudyat sa akin na tigilan ko na ang pag-iisip ng pangalan at ang buong ideya na magtayo ng samahan.