Tuesday, August 12, 2008

DIARRHEA

Minsan ay napag-usapan namin sa opisina ang tunkol sa mga biik sa probinsya ng Bulacan na nagkaroon ng diarrhea na inireport sa balita ng isang gabi. Sabihin niyo ng tanga ako pero ang akala ko talaga dati ay eksklusibong sakit ng mga tao ang diarrhea. Yung tipong mga batang nakainom lang ng tubig sa kanal o di kaya isang matakaw na bata na lumaklak ng bagoong na napagkamalan niyang corned beef lang ang nagkakaroon ng diarrhea. Akala ko lang yun.


Hndi ko napanood ang naturang news report tunkol sa mga biik ngunit talagang namangha ako sa mga biik na nagkakaroon ng diarrhea. Hindi ko lang talaga alam kung bakit. Siguro sadyang sira ulo lang talaga ako o di kaya, dahil may kalusugan din naman talaga ako, ay nakaramdam ako ng kakaibang "lukso ng dugo."


Naisip ko tuloy kung ano ang pinakamabisang gamot para sa mga nagtataeng biik at iba pang hayop, Polymagma kaya o Immodium? (Pronounced as po-li-meg-ma at ee-mow-dae-yoom para "isleng"). Siguro mas maganda ang ang Diatabs (pronounced as ja-tabs).


Tinanong ko sa kaopisina kong nakapanood ng naturang report, kung ano ang naging hitsura ng mga nadehydrate na biik. Sabay sagot ng kaibigan ko na parang natuyot, tumanda at nalugi daw ang hitsura nila. Maari daw siguro sila bigyan ng Olay "to fight the seven signs of aging. Tapos ipa-make over na lang natin sila kay Mama Ricky Reyes.


Ikaw, ano sa palagay mo?

Sunday, May 25, 2008

THREESOME

Nasubukan nyo na ba mag threesome? Ako gustuhin ko man di ko rin pala kaya. 


Teka lang, malamang iba na naman ang iniisip nyo. Magpapaliwanag po ako.


Isang araw habang pauwi ako kasama ang ilang kaibigan ay nagkaroon kami ng matinding decision making problem. Ito ay ang mamili kung anong bus ang sasakyan namin. May daliang paparating na dalawang bus na kailangan namin pagpilian agad agad. Kinakailangan namin mamili kung gusto ba namin sumakay sa luma, kakarag-karag, mukhang iniipis na airconditioned na bus o ang isang medyo bagong bus na ordinary na bus na magpapausok sayo na parang pinapatapang na tandang.


Shempre dun kami sa obvious. Dun kami sa airconditioned na bus na konti na lang ay guguho na.


Sa mga nagbabasa nito na naranasan ng magcommute, alam ninyo na may dalawang helera ng upuan. Ang hilera sa kanan ay pang dalawang tao na kasing payat lang dapat ni Palito at ang hilera sa kaliwa ay para sa tatlong taong kasing laki lamang nina Bangkay, Palito at Mary Walter na pinagsama sama.


Shempre umupo ako dun ulit sa obvious. Umupo ako katabi ang isa sa mga kaibigan ko sa hilerang "pang-tatlong tao."


Ang ending, meron pa naman konting espasyo para sa isa pang tao. Isang taong kasing laki ni Mahal noong mga 12 years old pa lang siya at di pa niya nakikilala si Jimboy.


Mga ilang kanto pagkatapos namin magbayad sa kunduktor na mistulang dilat na dilat ang mata at lubog na lubog ang pisngi na medyo may konting sapak yata ay biglang nagpasakay siya ng marami-raming pasahero.


Ewan ko kung bakit niya pinagpipilitang maluwag pa ang bus samantalang para na itong pantalon na isang kembot lang ay mawawakwak na. 


Nang mga panahong iyon ay sumusigaw na ang damdamin ko ng "Saklolo!" "Saklola!" at "Gujab Manong, Ikaw ang epitomiya ng kagaguhan ng Pilipino!"


Shempre hindi ko na rin kailangan sabihin na wala ng normal na nilalang na nakaupo sa tabi namin sa "pang-tatluhang" upuan. Bukod sa medyo maliit nga yung upuuan ay talaga naman napakataba ko.


Nang magsipasukan na ang mga taong nauto ng pulpol na kunduktor, pinipilit naman niyang paupuin ang isa pang lalake sa tabi namin.


GUJAB ULIT MANONG! !@#$!@^&*!@$!


Nang minulat ni Lord ang mga mata niya sa katotohanan na wala ng ngang makasasakay na normal na tao bukod kay Mahal noong 12 years old pa lang siya ay bigla siyang humirit sa akin ng:


"Umusog ka kung hinde sisingilin kita ng dalawa!!!!"


Nagpintig ang tenga ko.


Bumilis ang tibok ng puso.


Tumaas ang presyon ng dugo.


At napabulatlat ng:


"EH KAPAG TUMAYO BA AKO LIBRE NA AKO?"


Hindi pa diyan nagtatapos....


"KUNG GUSTO MO BIBIGYAN KITA NG PANG-DAANG TAO, PABABAIN MO SILANG LAHAT! KALA MO WALA AKONG PERA???"


Walang nagawa ang kumag kung hindi tumalikod at umalis.


Nang dumating na ako sa bababaan ko ay ginawa ko ang obvious. Bumaba ako sabay tinitigan ng matalim ang kumag na kunduktor. Pagkababa ko at pagkalipat ng sasakyan, dinukot ko ang pitaka ko para kumuha ng pamasahe at natuklasan ko ang katotohanan na singkwenta pesos lang pala ang laman ng pitaka ko.


Muli, napasigaw ako sa isipan ko: GUJAB! 

Monday, May 19, 2008

PALIBHASA BABAE

Matagal-tagal na pala akong walang naipapaskil sa walang kakwenta-kwentang blog na ito. Siguro may panahon din pala na nauubusan din ng katarantaduhan ang gaya ko. Serious naman kasi talaga ako. Pag nakita mo ako, mukhang serious talaga. 


Pero tama na ang kasinungalingan na iyan.


Nais ko ibahagi sa kung sino mang walang mgawa sa buhay na nagbabasa nito ang isang personal narrative na isinulat ng isang mabuti kong kaibigan noong nasa kolehiyo pa ako. Isa siyang nakatutuwang babae na punong puno ng kabalbalan sa buhay. Marahil kaya kami magkaibigan ay dahil sa bagay na iyon. Pina-check niya sa akin kasi di daw siya sanay magsulat sa Pilipino. Marahil sa lokal na dialekto ng mga Cambodian siya sanay...


Tama na ulit...


Eto na talaga..

-------------------------------------


Palibhasa Babae

By ADL


Si lalake at si babae ay nagkita, na-in-love, naging sila, and they lived happily ever after; Napakabilis sa mga kwento makahanap ng tamang lalake. Humiga ka lang at maghintay, darating ang tamang lalake (sabay kiss). Ngayon, hindi na uubra iyan. Lalong lalo na sa akin.


Sabi sa akin ng aking mga kaibigan, maghintay lang daw ako at darating din ang aking Prince Charming. Dahil kung ako rin daw ay maghahanap, baka hindi kami magkita. Parang kapag si Sleeping Beauty ay gumising at lumabas ng tore niya para hanapin ang prinsipe bago siya mahanap nito. Kaya dapat daw talagang maghintay lamang ako. Pero ang tanong ko naman sa kanila, ‘paano na kung hindi naman niya ako hinahanap’? Ayokong mabulok nang kahihintay. 


Tsinoy ako. Seventy five percent Chinese, at twenty five percent Pinay. Sa kultura namin, kailangang Tsinoy rin ang makatuluyan ko. Hindi pwedeng hindi. Tinanong ko dati ang magulang ko kung pwede kong ipa-blood transfusion ang mapipili kong lalake kung hindi siya Tsinoy o Chinese na tulad ko. Hindi raw pwede at pilosopo raw ako. Kaya binilang ko ang aking target market. Base sa kaibigan ko, mga three percent lang ang Tsinoy sa Pilipinas. 


84 million ang populasyon ng buong bansa, 13% nito ang populasyon ng Metro Manila, 6% lang nito ang nasa A and B na economic class, 50.4% lang ang lalake, 18% lang dito ang may edad na 20 hanggang 29 years old, at mga 3% lang ang Tsinoy. Ibig sabihin, 1783 lang ang pwede kong pagpilian na lalake. Ipagpalagay natin na 20% sa kanila ay bakla, maiiwanan nalang ako ng 1426 na pagpipilian. Sa bilang na iyan, babawasan ko pa ng kalahati dahil taken na sila, kaya 713 nalang ang maiiwan para sa akin. Hindi pa diyan nagtatapos ang bilang, dahil hindi ibig sabihin na lahat sa kanila ay may itsura, matino, matalino at kung anu-ano pa. Kaya ipagpalagay natin na ang sumasakto sa gusto ko ay 35% lang ng buong bilang; 250 nalang ang maiiwang pagpipilian ko.  Maliit ang numerong iyan. Dahil sa bawat isang lalake, may tatlong babaeng nakaabang. Ibig sabihin, kung hihintayin ko ang Prince Charming ko, baka maunahan ako ng 749 na babae sa Metro Manila. 


Matagal ko nang kinwenta ang numerong iyan, at dahil dito hindi ko sinayang ang limang taon ko sa kolehiyo. Sa bilang na 250, malamang 20% dito ay nakilala ko na o kaya’y nakasama nang lumabas, naging boyfriend, at nasabing hindi kami talo. Two hundred more to go. 


Ang paghahanap ay mahirap; katulad ito ng paghahanap ng wallet mo kapag nahulog ito sa stampede ng WOWOWEE. Lalong mahirap naman ang mahanap ito at wala kang magawa kundi maghintay para matapos ang stampede para makuha ito (kung hindi pa ito nadampot ng iba). Ito’y tulad ng pagiging babae sa Pilipinas. Makahanap ka man ng lalaking gusto mo, wala kang magagawa kundi hintayin siyang manligaw sayo. Hindi uso ang babae ang nanliligaw, baka matakot pa ang lalake, akalaing agresibo ka masyado. 


Pero hindi ko na rin sinunod ang pag-iisip na iyan. Masasabi kong nanligaw na ako. Hindi lang nga halata. Nakapagtapat na rin ako sa lalake bago pa niya naramdaman na gusto niya rin ako. Iba sa kanila ay ex-boyfriend ko na ngayon. Sayang ang oras kahihintay. Bumababa raw ang market value kapag nagkakaedad na ang babae. Palibhasa babae ako, problema ko ito.


Marami na akong nakasama lumalabas. Iba’t ibang tangkad, hugis, kulay, itsura, kapal ng bulsa, ugali, utak, hilig, edad, at propesyon. Mahirap pumili dahil pinipili ka rin nila. Dahil hindi rin lahat ng gusto mo ay gusto ka rin. Kaya sa dalawang daan na natitira, malamang ang probability ko na magustuhan ako ay 50-50 chance. Kaya sa katotohanan, isang daan nalang ang naiiwan sa akin.  At sa oras na ibinubuhos ko sa pagsusulat nito, malamang may ibang mga babae na ang nauna sa akin sa mga kalahati ng naiwan. Kaya singkwenta! Singkwenta nalang ang pwede ko pang pagpilian! 


At sa singkwentang iyan, kapag nagkataon na makalabas ko sila, malamang may mga iba sa kanila ang hindi inaasahang sasablay tulad ng mga dati ko. Sabi nga ng nakararami, hindi mo makikilala ang totoong ugali ng isang lalaki hangga’t hindi mo pa nakikilala o nakakasama nang matagal. Sige sang-ayon na ako rito. Dahil marami sa mga dati kong inakalang matino, ay gago rin pala. 


Sa bilang na iyan, malamang may ibang hindi marunong kung paano maging gentleman tulad ng isang lalaking nakilala ko sa Friendster. Pagkatapos akong paghintayin ng trenta minuto sa Starbucks, mas ginusto pa nitong kalikutin ang cellphone niya kaysa kausapin ako (sampung minuto lang kami nag-usap). Ang iba malamang ipagpapalit ako sa hilig niya, tulad ng isang pilotong ex-boyfriend ko na lagi akong iniindian para sa eroplano. Valentine’s day hindi kami natuloy lumabas dahil sa meeting niya tungkol sa eroplano kaya nanuod nalang ako ng “The Aviator” sa DVD. May isa namang computer programmer na naengganyo magprogram kaya hindi kami natuloy sa date namin. May mga iba sa kanila magiging sobrang ok na date, pero halos hindi mo naman mahagilap dahil sa dami ng trabaho at inaasikaso nila. Tulad iyan ng isang lalaking nakilala ko na nagsabing “let’s hang out again soon” at pagkalipas ng isang buwan ay hindi pa rin dumarating ang ‘soon’ niya. Baka iba na ang ibig sabihin ng ‘soon’ sa lalake. Katulad din ng isang mabata-batang pulitiko na nakalimutan na ako sa dami ng isyu na inaasikaso sa gobyerno (Gloria kasi eh…). At hindi mawawala ang babaerong lalake, tulad ng dalawang naging ex ko. Tiyak na mayroon sa mga makikilala ko ang mahilig mangolekta ng babae; para bang collect all designs. 


Saan nga ba nagtatago ang lalaking hinahanap ko? Siguro konting tiis nalang ay mahahanap ko na rin siya. Tutal singkwenta nalang naman ang naiiwan.   

Monday, April 28, 2008

BAGETS 1984

Astig! Nakita ko lang ang larawan na ito isang hapon na bagot na bagot na ako sa aking buhay... Binigyan nito ako ng panibagong pananaw sa buhay at malaking pagpapasalamat sa Maykapal para sa pag unlad ng fashion sa mga nakalipas na taon...


Makikita dito ang ultra hyper super megatronic pekpek shorts...








Wednesday, April 16, 2008

MGA NAKABABAGABAG NA TANONG NG BUHAY

Isang hapon kung kailan nagsabay sabay ang katamaran ko at ng mga kaibigan ko sa opisina, naisip namin magkaroon ng maliit na balitaktakan na punong puno ng kabuluhan at kakaibang insight. Inipon ko ang aming mga napag-usapan para ibahagi sa sino mang magtitiyagang magbasa nito. Ang sumusunod ay mga katanungang maaaring makatulong sa paghahanap ninyo sa "meaning of life." 


1) Ang bakla ba, kapag nagkagusto sa babae, nagiging tibo?


2) Ang tibo ba, kapag nagkagusto sa lalake, nagiging bakla?


3) Bakit pantalon ang tawag sa pantalon, samantalang pwede rin naman itong ipang lakd at kandirit?


4) Ang lason ba, kapag nag-expire, nakakalason pa rin?


5) Bakit "basahan" pa rin ang tawag sa "basahan" kahit tuyo ito? Bakit hindi "tuyohan"?


6) Tumitibok din kaya ang puso ng saging? Na-iinlab din kaya ito?


7) Nauuhaw din kaya ang isda?


8) Ang "fly" ba, kapag inalisan mo ng pakpak, nagiging "walk" na lang?


9) Yung moose ba ay nagpakalalaking mouse?


10) Bakit yung choco mud pie, may choco at pie pero walang mud?


11) Ang "batman" ba ay short for "bakit man?"


12) Pinagpapawisan din ba ang nagsiswimming?


13) Ang ngipin ba pinapasma din? Nagtutoothbrush kasi pagkatapos kumain...


14) Kung ang past tense ng "laba" ay "naglaba," ang present tense ay "naglalaba," sa palagay nyo ba ang tamang future tense eh "magsasampay?"


15) Ang uod ba pag namatay inuuod din?


16) Kung isa lang ang "shoes" ay nagiging "shoe" lang ito, bakit ang "sapatos" hindi nagiging "sapato" kapag nag-iisa ito?


ISIPING MABUTI ANG KASAGUTAN AT ISULAT SA 1/4 SHEET NA YELO PAD AT PAGMUNI-MUNIHAN.

Wednesday, April 2, 2008

MAKA-ANGAL LANG....

Araw-araw, maaga akong naliligo upang maghanda sa pagpasok ko sa opisina. Mga alas sinko pa lang ng madaling araw ay umaalis na ako ng aming bahay para pumasok. Mula lunes hanggang biyernes ay ganito na ang nakagawian ko.


Isang araw habang nagkakape ako ay nakitang kong naghahanda na rin ang magulang ko ng kanilang mga sarili sa pag-alis. Bibiyahe pala sila pauwi sa probinsya nung araw na iyon. Natuwa naman ako dahil naisip ko na makakasabay ako sa sasakyan nila sa pag pasok ko sa opisina. Makakatipid na rin ako at medyo mas maginhawa pa ang pagpasok ko. Agad kong naisip kung magkano ang matitipid ko sa araw na iyon. Singkwenta pesos. Mapapalapit na ako ng singkwenta pesos para makabili ng pangarap kong ball point pen na umiilaw habang nagsusulat. Naisip ko rin na di ko kelangan sumiksik ng araw na yun sa bus at magmiistulang blood clot sa gitna ng bus kung wala na akong mauupuan.


At WALAH!


Pagkatapos ko maligo bago pa man ako natapos makapagbihis nalaman ko na lang na umalis na pala sila. Wow! Thank you ha? 


Talaga naman... Ang swerte swerte ko. Naisip ko, pera na... naging bato pa...


Biglang gumuho ang imahe ng umiilaw na ball point pen sa aking isipan...


Agad pumasok ang imahe ng pagiging blood clot ko sa gitna ng masikip na bus at paghahalo ng amoy ng mga pasahero ng bus. Badtrip talaga....


Pero as usual di bale na... Makikipaghalo na lang ako ng amoy sa mga lalaking nagbubuhat ng hollow blocks sa buong araw... Ang swerte ko talaga... Mahal na mahal talaga ako ng mga magulang ko noh? 


Kaya....


Gaya ng dati... 


OK na rin... mataba naman ako....