Monday, May 19, 2008

PALIBHASA BABAE

Matagal-tagal na pala akong walang naipapaskil sa walang kakwenta-kwentang blog na ito. Siguro may panahon din pala na nauubusan din ng katarantaduhan ang gaya ko. Serious naman kasi talaga ako. Pag nakita mo ako, mukhang serious talaga. 


Pero tama na ang kasinungalingan na iyan.


Nais ko ibahagi sa kung sino mang walang mgawa sa buhay na nagbabasa nito ang isang personal narrative na isinulat ng isang mabuti kong kaibigan noong nasa kolehiyo pa ako. Isa siyang nakatutuwang babae na punong puno ng kabalbalan sa buhay. Marahil kaya kami magkaibigan ay dahil sa bagay na iyon. Pina-check niya sa akin kasi di daw siya sanay magsulat sa Pilipino. Marahil sa lokal na dialekto ng mga Cambodian siya sanay...


Tama na ulit...


Eto na talaga..

-------------------------------------


Palibhasa Babae

By ADL


Si lalake at si babae ay nagkita, na-in-love, naging sila, and they lived happily ever after; Napakabilis sa mga kwento makahanap ng tamang lalake. Humiga ka lang at maghintay, darating ang tamang lalake (sabay kiss). Ngayon, hindi na uubra iyan. Lalong lalo na sa akin.


Sabi sa akin ng aking mga kaibigan, maghintay lang daw ako at darating din ang aking Prince Charming. Dahil kung ako rin daw ay maghahanap, baka hindi kami magkita. Parang kapag si Sleeping Beauty ay gumising at lumabas ng tore niya para hanapin ang prinsipe bago siya mahanap nito. Kaya dapat daw talagang maghintay lamang ako. Pero ang tanong ko naman sa kanila, ‘paano na kung hindi naman niya ako hinahanap’? Ayokong mabulok nang kahihintay. 


Tsinoy ako. Seventy five percent Chinese, at twenty five percent Pinay. Sa kultura namin, kailangang Tsinoy rin ang makatuluyan ko. Hindi pwedeng hindi. Tinanong ko dati ang magulang ko kung pwede kong ipa-blood transfusion ang mapipili kong lalake kung hindi siya Tsinoy o Chinese na tulad ko. Hindi raw pwede at pilosopo raw ako. Kaya binilang ko ang aking target market. Base sa kaibigan ko, mga three percent lang ang Tsinoy sa Pilipinas. 


84 million ang populasyon ng buong bansa, 13% nito ang populasyon ng Metro Manila, 6% lang nito ang nasa A and B na economic class, 50.4% lang ang lalake, 18% lang dito ang may edad na 20 hanggang 29 years old, at mga 3% lang ang Tsinoy. Ibig sabihin, 1783 lang ang pwede kong pagpilian na lalake. Ipagpalagay natin na 20% sa kanila ay bakla, maiiwanan nalang ako ng 1426 na pagpipilian. Sa bilang na iyan, babawasan ko pa ng kalahati dahil taken na sila, kaya 713 nalang ang maiiwan para sa akin. Hindi pa diyan nagtatapos ang bilang, dahil hindi ibig sabihin na lahat sa kanila ay may itsura, matino, matalino at kung anu-ano pa. Kaya ipagpalagay natin na ang sumasakto sa gusto ko ay 35% lang ng buong bilang; 250 nalang ang maiiwang pagpipilian ko.  Maliit ang numerong iyan. Dahil sa bawat isang lalake, may tatlong babaeng nakaabang. Ibig sabihin, kung hihintayin ko ang Prince Charming ko, baka maunahan ako ng 749 na babae sa Metro Manila. 


Matagal ko nang kinwenta ang numerong iyan, at dahil dito hindi ko sinayang ang limang taon ko sa kolehiyo. Sa bilang na 250, malamang 20% dito ay nakilala ko na o kaya’y nakasama nang lumabas, naging boyfriend, at nasabing hindi kami talo. Two hundred more to go. 


Ang paghahanap ay mahirap; katulad ito ng paghahanap ng wallet mo kapag nahulog ito sa stampede ng WOWOWEE. Lalong mahirap naman ang mahanap ito at wala kang magawa kundi maghintay para matapos ang stampede para makuha ito (kung hindi pa ito nadampot ng iba). Ito’y tulad ng pagiging babae sa Pilipinas. Makahanap ka man ng lalaking gusto mo, wala kang magagawa kundi hintayin siyang manligaw sayo. Hindi uso ang babae ang nanliligaw, baka matakot pa ang lalake, akalaing agresibo ka masyado. 


Pero hindi ko na rin sinunod ang pag-iisip na iyan. Masasabi kong nanligaw na ako. Hindi lang nga halata. Nakapagtapat na rin ako sa lalake bago pa niya naramdaman na gusto niya rin ako. Iba sa kanila ay ex-boyfriend ko na ngayon. Sayang ang oras kahihintay. Bumababa raw ang market value kapag nagkakaedad na ang babae. Palibhasa babae ako, problema ko ito.


Marami na akong nakasama lumalabas. Iba’t ibang tangkad, hugis, kulay, itsura, kapal ng bulsa, ugali, utak, hilig, edad, at propesyon. Mahirap pumili dahil pinipili ka rin nila. Dahil hindi rin lahat ng gusto mo ay gusto ka rin. Kaya sa dalawang daan na natitira, malamang ang probability ko na magustuhan ako ay 50-50 chance. Kaya sa katotohanan, isang daan nalang ang naiiwan sa akin.  At sa oras na ibinubuhos ko sa pagsusulat nito, malamang may ibang mga babae na ang nauna sa akin sa mga kalahati ng naiwan. Kaya singkwenta! Singkwenta nalang ang pwede ko pang pagpilian! 


At sa singkwentang iyan, kapag nagkataon na makalabas ko sila, malamang may mga iba sa kanila ang hindi inaasahang sasablay tulad ng mga dati ko. Sabi nga ng nakararami, hindi mo makikilala ang totoong ugali ng isang lalaki hangga’t hindi mo pa nakikilala o nakakasama nang matagal. Sige sang-ayon na ako rito. Dahil marami sa mga dati kong inakalang matino, ay gago rin pala. 


Sa bilang na iyan, malamang may ibang hindi marunong kung paano maging gentleman tulad ng isang lalaking nakilala ko sa Friendster. Pagkatapos akong paghintayin ng trenta minuto sa Starbucks, mas ginusto pa nitong kalikutin ang cellphone niya kaysa kausapin ako (sampung minuto lang kami nag-usap). Ang iba malamang ipagpapalit ako sa hilig niya, tulad ng isang pilotong ex-boyfriend ko na lagi akong iniindian para sa eroplano. Valentine’s day hindi kami natuloy lumabas dahil sa meeting niya tungkol sa eroplano kaya nanuod nalang ako ng “The Aviator” sa DVD. May isa namang computer programmer na naengganyo magprogram kaya hindi kami natuloy sa date namin. May mga iba sa kanila magiging sobrang ok na date, pero halos hindi mo naman mahagilap dahil sa dami ng trabaho at inaasikaso nila. Tulad iyan ng isang lalaking nakilala ko na nagsabing “let’s hang out again soon” at pagkalipas ng isang buwan ay hindi pa rin dumarating ang ‘soon’ niya. Baka iba na ang ibig sabihin ng ‘soon’ sa lalake. Katulad din ng isang mabata-batang pulitiko na nakalimutan na ako sa dami ng isyu na inaasikaso sa gobyerno (Gloria kasi eh…). At hindi mawawala ang babaerong lalake, tulad ng dalawang naging ex ko. Tiyak na mayroon sa mga makikilala ko ang mahilig mangolekta ng babae; para bang collect all designs. 


Saan nga ba nagtatago ang lalaking hinahanap ko? Siguro konting tiis nalang ay mahahanap ko na rin siya. Tutal singkwenta nalang naman ang naiiwan.   

3 comments:

Anonymous said...

haha rut!! laftrip!! full support ako sa blog mo haha

Anonymous said...

Salamat naman... Hahaha...

Mas maganda rin kung magbibigay kayo ng donasyon tulad ng salapi, de lata, cup noodles, kape, lumang damit, asukal, bigas at diesel...

HaRdYiCk said...

hahaha... ayos! ang tanong ko naman ay "maganda ba tong babaeng to?" baka naman swanet kya naiindian? hahaha...